“Madaming beses mang hindi natuloy ang surgery ng aking anak ay hindi kami sumuko na magkakaroon siyang muli ng magandang ngiti. At dumating nga ang araw na iyon” – Anira Alauya (NCFPI Parent Patient)
Noong November 23,2019 ay ipinanganak ko ang aking nag-iisang anak na lalaki. Halong emosyon ang aming naramdaman dahil hindi nakita sa ultrasound na siya pala ay may cleft. Maraming tanong sa aking isipan noon dahil hindi ko din alam kung paano siya mapapasuso ng tama kaya nag tyaga lamang kami sa dropper na nakasanayan na din niya.
Dahil sa kalagayan ni Arkhi ay naghanap kami sa facebook ng maaaring makatulong samin at nakilala namin ang Smile Train. Ni-refer nila kami sa kanilang partner foundation: ang NCFPI at noon din ay nabigyan kami ni Ms. Gina Sevilla ng schedule. Dahil mag December na noon ay naabutan kami ng holiday, January 2020 na kami nakabalik sa NCFPI para mapatignan si Arkhi. Na-assess ng Pedia Doctor na si Dr. Benjamir Cabrera at nabigyan ng clearance para sa operasyon.
Naging mabilis ang proseso ngunit nung araw na babalik kami ay hindi natuloy dahil sumakto naman ang pagputok ng Taal Volcano. Dahil malapit ang aming tirahan sa Tagaytay kaya mas natakot ako na makalanghap si Arkhi ng abo ngunit pinilit pa rin naming makapunta dahil mas napapanatag kami sa tuwing matitignan siya ng kanyang Doktor na si Dr. Xenia Velmonte.
First schedule na dapat ni Arkhi ng kanyang lip surgery noong March 30, ngunit nagkaroon naman ng lockdown dahil sa Covid-19. Ilang buwan din ang aming hinintay ng dahil sa pandemic ay nabigyan kaming muli ng schedule noong October 27.
Walang stable na trabaho ang asawa ko ng dahil sa pandemic ngunit ginawa namin ang lahat makapunta lamang sa OLPH. Natapos namin ang lab test, swab test at okay na sana si Arkhi para sa kanyang operasyon. Ngunit sa mismong araw ng kanyang admisyon ay hindi nanaman natuloy ng dahil sa bagyo. Ilang beses ng na-postpone ang surgery ng aking anak, labis ang aking kalungkutan noon ngunit hindi ako nawalan ng pag-asa.
Pagkatapos ng first birthday ni Baby ay tinext kaming muli ng schedule niya for surgery, lubos ang pananalangin ko na sana ay ito na ang araw ng kanyang surgery. At natupad nga ang aming panalangin. Lubos ang aking pagkamangha sa pagkakatahi kay Arkhi.
Malaki ang pasasalamat namin sa NCFPI dahil binigyan kami ng pag-asa upang mabigyan ng magandang ngiti si Arkhi. Binigay siya sa amin ng Diyos dahil alam niya kaya namin siyang alagaan at mahalin kahit na sa kanyang sitwasyon.
Huwag tayong mawawalan ng pag-asa kahit sa dami ng pagsubok na dadaan dahil sa panibagong bukas ay may panibagong pagkakataaon na ilalaan para sa atin. Bingot man si Arkhi sa paningin ng ibang tao, ngunit para sa amin ay isa siyang normal at mapagmahal na bata.