Sa tulong ng NCFPI ay naranasan ko ang pagtanggap sa aking kalagayan at natutunan ko ang kumpletong pangangalaga para sa mga katulad kong may cleft. – Mr. Dave Santamaria (NCFPI Patient and Volunteer)
Ayon sa aking mga magulang sila’y nagulat noong akoy ipinanganak sapagkat ako ay na diagnose na mayroong complete cleft lip and palate. Hindi sila makapaniwala sa aking kalagayan subalit nanatili silang matatag sa kabila ng lahat ng ito.
Hindi naging madali ang pagpapalaki sa akin sapagkat ako ay palaging may sakit at may mahinang pangangatawan. Dumating rin na hindi alam ng aking Ina ang kanyang gagawin dahil sa bigat ng aking karamdaman.
Hindi ko alam kung hangang kailan ang ganoong sitwasyon ko, ngunit sa awa ng Diyos ako’y napa-operahan ng aking ina sa labi at ngala-ngala noong ako’y isang taong gulang na. Ngunit ito ay simula pa lamang ng aking buhay bilang isang batang may cleft.
Ako’y lumaki at nag-aral na, ngunit hindi katulad ng isang normal na bata na maayos na nakakapaglaro at nakikitungo sa kanilang mga kaibigan. Nakaranas ako ng pagmamaliit at pangungutya. Isang halimbawa nito ay noong ako’y naga-aral sa unang baitang, sa kalagitnaan ng lektura sabay-sabay na tumayo ang aking mga kaklase at binati ng panlalait na ang wika ay “Good morning ngo-ngo”.
Hindi ko na alam kung saan ako tatakbo at kung sino pa ang mahihingan ko ng tulong, Noon, tinanong ko ang Diyos kung ano ba ang aking naging kasalanan para gawin nila ito sa akin. Ang mga labis panlalait ang naging dahilan kung bakit sinumpa ko ang aking sarili at naisambit na sana ay hindi na lamang ako nabuhay. Napakalungkot ng aking naging buhay simula pa ng pagkabata kaya tuluyan ko nang kinalimutan ang aking mukha sa harap ng salamin.
Ngunit nang dumating sa akin ang grasya ng Diyos binago Niya ang aking pagkatao at pananaw sa buhay, biniyayaan Niya ako ng isang napakagandang regalo na hinding hindi ko makakalimutan sa aking buhay. Dinala Niya ako sa Noordhoff Craniofacial Foundation Philippines, Inc.
Sa tulong ng NCFPI naranasan ko ang pagtanggap sa aking kalagayan at kumpletong pangangalaga para sa mga katulad kong may cleft. Kung noon ay sinusumpa ko ang aking sarili dahil isa akong taong may cleft, ngunit nang makilala ko ang NCFPI na realize ko na isa pala akong blessing mula sa Panginoon.
August 2015 ako ay nag trabaho sa NCFPI bilang Patient Care Staff at Administrative Assistant, dito ko lalong nakita ang kalagayan ng mga batang may cleft lip and palate. Dahil napaglilingkuran ko ang mga batang may cleft at natutulungan ko ang kanilang mga magulang, dito ko lalong minahal ang aking trabaho.
Ngunit noong Pebrero 2017 ako ay nadestino sa Oriental Mindoro bilang Pastor, at ito ang naging dahilan upang ako ay bumitiw sa aking tungkulin sa NCFPI. Ngunit gayunpaman hindi pa rin ako titigil na tumulong at maglingkod sa mga pasyenteng nangangailangan.Ang mga operasyon na naisagawa sa akin ay Alveolar Bone Graft (ABG), Orthognathic Surgery (OGS), Rhinoplasty at Lip Nose Revision. Dahil sa kagandahan ng treatment ng NCFPI labis akong nanabik sa kanilang paglilingkod at pagmamahal sa akin.
Sobrang nagpapasalamat ako sa NCFPI at sa lahat ng tumulong sa akin upang maoperahan at mabigyang ng magandang treatment. Kailanman hindi ito masusuklian o mapapalitan ng anumang halaga sa mundo. Maraming maraming Salamat po!