Jerome: A Singing Cleft Warrior

“Dahil sa NCFPI, nagkaroon ako ng mga kaibigan na kagaya ko din na may cleft na lubusang nakakaintindi sa aking pinagdadaanan at nalaman kong hindi ako nag-iisa” – Jerome N.CastaƱeda, RMT (NCFPI Patient/Volunteer)

Ipinanganak ako na may unilateral cleft lip and palate. Hindi inaasahang kondisyon, sa hindi inaasahang panahon. Mahirap ang buhay namin noon at wala ring sapat na kaalaman ang aking mga magulang tungkol sa aking kalagayan. May mga tao na nagsasabi na ito’y bunga ng isang sumpa, kulam, malas o kung anupaman. Ngunit hindi kami pinabayaan ng Panginoon at dinala kami sa mga foundation na nag bibigay ng libreng operasyon para sa mga kagaya ko.

Naisakatuparan nga at naging matagumpay ang dalawang operasyon ko nung bata pa ako. Naisara ang butas sa aking ngala-ngala at naiayos ang aking mga labi. Ngunit nag- iwan ito ng marka sa aking mukha na simbolo na ako’y pinanganak na manlalaban. Oo, manlalaban ako, dahil simula pa lamang pagkapanganak sa akin ay lumalaban na ako sa hamon ng aking buhay.

Ngunit iba ang ibig sabihin ng marka na ito sa mata ng madla. Dahil naging daan ito para hamakin ng ilan ang aking pagkatao. Naging biktima ako ng bullying habang ako’y lumalaki. Ito ay reyalidad na kailanman hindi natin maitatanggi sa ginagalawan nating lipunan. Noong ako’y nag-aaral pa ay naranasan kong pag-tawanan, masaktan, umiyak, at mabigo. Naranasan kong gawing “ice breaker” sa aming klase na naging sanhi upang gawin akong katatawanan sa aming paaralan. Naranasan kong maging sikat sa aming paaralan hindi dahil matalino ako, ngunit dahil sa aking kondisyon at kamukha ko daw si “Elmo.” Ngunit salamat sa aking mga kamag-aral na nagtatanggol sa akin sa mga panahon na iyon.

Malaki ang naging epekto nito sa aking paglaki. Bumaba ang tingin ko sa aking sarili, naging mahiyain, humina ang loob at naging ilag ako sa mga tao. Nawalan din ako ng direksyon at pag-asa. Ngunit hindi ako pinabayaan ng aking mga magulang at ako’y kanilang ipinaglaban lalo na ang aking kinabukasan. Ang ilan sa aking mga kamag-aral at ang aming adviser ng dalawang magkasunod na taon ay tinulungan ako paano lumaban, at paano maging matapang. Tinulungan nila kong ipaglaban ang aking karapatan bilang isang kabataan.

Kaya naman noong ako ay mag-kolehiyo, buong-buo na ang loob ko na abutin ang mga pangarap ko. Salamat sa Diyos, napunta ako sa isang maayos na unibersidad na may mahuhusay at mapag-alagang mga professors. Hindi nila ako tinignan sa aking kahinaan, ngunit lalo pinalabas nila ang aking buong potensyal bilang isang indibidwal. Lubos ang pasasalamat ko sa Diyos dahil natapos ko ang kursong Bachelor of Science in Medical Technology at naging isang licensed Medical Technologist.

Ngunit nag iwan parin ng trauma sa akin ang aking nakaraan. Nagbalik lahat sa aking alala dahil sa naglipana sa social media ang mga pangungutya at pambubully para sa aming may mga cleft.. Ngunit hindi na kagaya ng dati nung ako’y duwag pa, kahit papaano ay nagka lakas na ako ng loob para lumaban. Nagtulak din ito sa akin para mag post ng aking mga videos ng aking pag-awit na naging daan upang mapanuod ako ng mga mommies na may anak din na cleft, at naging daan para mapabilang ako sa grupo nila na “Cleft support group Philippines” at doon ko nalaman ang Noordhoff Craniofacial Foundation Philippines na tumutulong sa mga kagaya ko na may cleft.

Dahil sa NCFPI, nagkaroon ako ng mga kaibigan na kagaya ko din na may cleft na lubusang nakakaintindi sa aking pinagdadaanan at nalaman kong hindi ako nag-iisa. Nagpapasalamat din ako sa NCFPI dahil nabigyan ako ng pagkakataon na matignan muli ng mga espesyalista nila at mabigyan ng libreng Speech Therapy, at magkaroon ng mas malawak na kaalaman sa aking kondisyon.

Hindi parin talaga nawawala sa akin ang pagiging mahiyain, at minsan ay takot parin sa pagharap sa ilang mga tao ngunit patuloy ko itong nilabanan sa aking kalooban araw-araw at masasabi kong nagtatagumpay ako sa laban na ito.

Noong nangyari ang lockdown, pinasya ko munang manatili sa aming bahay, at magsilbi sa aming simbahan bilang full time church worker. Dala narin ng marami akong libreng oras, nalaman ko ang isang application na kung tawagin ay KUMU at dito ay tuwang tuwa akong napapanuod ang aking mga inspirasyon sa pag-awit kagaya nila Yuki Ito, Katrina Velarde atbp. Pero wala akong intensyon na gawin din ang kanilang ginagawa. Ngunit may mga tao na hinikayat at pinilit ako umawit sa kanilang livestream pero hindi ako nagpapakita ng mukha dahil sa totoo lang, aaminin ko, takot parin talaga ako.

Hanggang isang araw, ako ay napakinggan ng isang talent manger at ako’y kanyang inalagaan. Ipinakilala ako sa mga artista, dinisiplina, pinalakas ang loob at sinabak sa isang kompetisyon sa national TV na naging daan upang maraming tao ang makarinig sa aking pag-awit. Ni minsan sa buhay ko ay hindi ko inakala na mangyayari ito sa akin. Dahil ang alam ko, para lang sa mga gwapo at magaganda ang makita sa TV. Pero salamat sa Diyos, dahil pati ang mga batikan at tinitingala ko sa larangan ng pag-awit ay sinusuportahan na din ako na ipaglaban ang aking pag-awit. Kaya naman lalong lumalakas ang loob ko. At nitong anibersayo lamang nga ng NCFPI ay isa ako sa napili mag-perform kasama ang ilan pang mga pasyente at kilalang performer.

Ngayon, mas malakas na ang loob ko at pinagpapatuloy ko ang aking pag-awit dahil may mga taong naniniwala at patuloy na sumusuporta sa akin. Natutunan ko na may mga tao parin talaga na likas na mabubuti, at hinding hindi tayo pababayaan ng Diyos.
Sa tuwing magbabalik tanaw ako sa nangyari sa aking kabataan, nagpapasalamat ako sa Diyos na dumaan ako sa mga ganoong sitwasyon. Doon ako mas naging matatag at matapang dahil sa mga pinagdaanan ko. Ito rin ang naging motibasyon ko para magsilbi sa mga tao na kagaya ko sa pamamagitan ng mga organisasyon at support group na may kaparehong adbokasiya sa kalagayan ko. Lumaban at ipag-laban din ang mga wala pang lakas ng loob at walang kakayahang lumaban.

Nais kong iwanan ang mensahe na ito sa mga kagaya ko; Huwag kang matakot, wag kang mabuhay sa lungkot at poot. Huwag mo isipin na wala kang halaga, dahil sa mata ng Panginoon ay mahalaga ka. Tandaan mo na hindi habang panahon ay kakaawaan ka. Kung ngayon ay ikaw ang tinutulungan at nangangailangan ng tulong, darating ang panahon na ikaw naman ang tutulong sa iba. Kung ngayon ay ikaw ang nangangailangan ng tagapag-tanggol dahil natatakot ka, darating ang panahon na magiging malakas ka at ikaw naman ang magtatanggol sa iba. Kung ngayon ay wala kang lakas ng loob, darating ang panahon, lalakas ang loob ng ibang tao dahil naging inspirasyon ka nila. Maiksi lang ang buhay, piliin nating mabuhay ng may dangal at masaya. Laban lang!