“Masaya sa pakiramdam na makatulong at makita mo na ang mga taong may katulad na sitwasyon ko ay kasama ko pagbubuo ng magandang ngiti.” – Jose Ringad Jr. (NCFPI Patient/Volunteer)
Ipinanganak ako na may cleft lip at cleft palate, 7 taong gulang ako nang naoperahan ang aking cleft lip. Dahil nag-aaral na ako noon sa Grade 1 madalas akong tinutukso ng aking mga kaklase sa aking sitwasyon. Kaya noong nag- bakasyon ay pina-operahan ako ng aking mga magulang sa Perpetual Help Hospital, Las Piñas city, sa tulong ng isang sponsor at naging matagumpay ang aking operasyon.
January 2010, inirekomenda ako ni Ms. Arlene Gacutan sa NCFPI dahil meron daw libreng operasyon sa cleft lip at cleft palate at isa siya sa mga pasyente na natulungan ng foundation. Hindi ako nagdalawang-isip, kaya agad akong nagpunta sa Our Lady of Peace Hospital sa Parañaque, 20 taong gulang na ako noong unang punta ko sa OLPH para sa aking cleft palate.
Malaki ang naitulong sa akin ng NCFPI dahil sa libreng operasyon ng aking cleft palate. Malaki ang pasasalamat ko sa mga Doktor na nag-opera dahil kung wala sila ay hindi ako magkakalakas ng loob para humarap sa maraming tao.
Nagsimula ako mag-volunteer sa foundation taong 2016 at doon ko mas nakilala ang mga Doktor, staff at iba pang patient volunteer na katulad ko. Masaya sa pakiramdam na makatulong at makita mo na ang mga taong may katulad na sitwasyon ko ay kasama ko pagbubuo ng magandang ngiti.