Love of a Mother

“Hindi madali para sa isang magulang ang magkaroon ng anak na cleft lip and palate, ngunit dahil sa suporta ng NCFPI ay mas nakakita ako ng pag-asa para sa anak ko.”
-Jona D. Neis (NCFPI Patient Parent)

Nang isilang ko si Samantha Coleen Cuevo taong 2016, laking gulat ko ng makita ko ang aking anak dahil isa siyang “bingot”. Sa halip na panghinaan ako ng loob ay sinabi ko sa sarili ko na walang ibang susuporta sa anak ko kung hindi kaming pamilya niya. Ngunit, dahil sa takot na laitin siya ng ibang tao ay hindi ko siya nilalabas sa aming bahay lubos akong nasasaktan kapag may nanlalait na ibang tao sa kanya.

Kung sino-sino ang taong nilapitan ko upang makahanap ng makakatulong sa kondisyon ni Samsam, hanggang sa isang kaibigan ko ang nagsabi na dalhin ko sa NCFPI ang aking anak. Apat na buwan na si Samsam noong dinala ko siya sa Foundation, naging mabilis ang proseso dahil pagkatapos ng ilang check-up ay umabot na siya sa limang kilo. Hindi ko hinayaan na magkaroon siya ng ubo at sipon na mahalagang requirement para sa kanyang lip surgery.

Laking-tuwa ko ng naoperahan na si Samsam sa kanyang lip surgery ni Dr. Glenda De Villa, paglabas namin ng ospital ay bigla na lamang tumulo ang luha ko dahil naisip ko ang mga sinasabi nila kay Samsam na panlalait na hindi ko na maririnig.

Tatlong taong gulang siya ng maoperahan siyang muli ni Dr. Jay Lizardo sa kanyang cleft palate, nakita ko ang malaking pagbabago hindi lamang panlabas na kaanyuan ni Samsam ngunit maging ang kanyang pagsasalita ay unti-unting lumilinaw.

Tuloy-tuloy ang kanyang speech therapy at dental bago mag-pandemic. Sinasali ko rin siya sa mga activity ng NCFPI upang mas magkaroon siya ng confidence na makisalamuha sa ibang bata. Malaki ang pasasalamat ko sa lahat ng bumubuo ng NCFPI dahil sa walang sawang pagtulong sa mga cleft patients.

#lovemakeswhole #bawatpinoymayngiti #cleftstrong #cleftsmile #cleftproud #ncfpipatientstory