Padayon Shaina!

“Alam ko na darating ang araw na ang dating pangarap ay hindi na lamang magiging isang pangarap dahil may NCFPI na handang tumulong sa mga katulad ko” – Shaina Mae B. Gonzales (NCFPI Patient and Volunteer)

Kasalukuyan ako’y dalawampung taong gulang at ipinanganak ako na may cleft lip at palate. Ngayo’y nasa unang taon na ako sa kolehiyo at kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Tourism and Management dahil pangarap kong maging isang flight attendant kahit maraming mga tao ang humahamak sa pangarap ko.

18 days old pa lamang ako noong simulang ipa-assess ang aking kondisyon. Pagkapanganak pa lamang sa akin ay naranasan na ng aking mommy at lola ang hirap sa pagpapakain. Hindi ako katulad ng ibang baby na madaling ipa-breastfeed o painumin ng milk sa baby bottle kaya’t sinunod na lamang nila ang suggestion ng Doctor na gamitan na lamang ako ng dropper.

Dalawang taon naman ako ng naoperahan sa aking cleft palate at sinundan ng Rhinoplasty surgery makalipas ang ilang taon. Sa edad ko na 6 na taon nagsimula ang kalbaryo ko sa buhay. Nagsimula kong maranasan ang bullying noong nasa preparatory school ako. Sa murang edad namulat na ako sa mapanghamak na mundo. Nagkaroon ako ng 3 inches na tahi sa ulo dahil sa tinulak ako ng kaklase ko habang hinuhusgahan niya ang itsura ko.

Noong nagkakaisip na ako dumating sa punto na naranasan ko ang depression, takot na takot ako na mahusgahan kaya’t hangga’t maaari ay ayokong makagawa ng pagkakamali. Tuwing nabu-bully ako ay sinasarili ko na lamang iyon dahil ayoko makitang umiiyak at sinisisi ng aking mga magulang ang kanilang sarili dahil sa mga nararanasan ko. At isa iyon sa malaking pagkakamali na itago ko sa kanila ang aking nararamdaman dahil naipon lahat sa puso’t isip ko na naging dahilan para maisip kong mag suicide. Una ko siyang sinubukang gawin noong 12 years old lamang ako. Ngunit noong gagawin ko na ay bigla akong nag-alangan at naisip ko bigla ang maaaring kahihinatnan ng gagawin ko. Una kong naisip ang pamilya ko na unang nagtiwala at nagmahal sakin sa kabila ng kondisyon ko.

Noong 12 years naman ako ay nag undergo ako sa Alveolar Bone Grafting surgery, nakakalungkot dahil hindi naging successful ang ABG surgery ko ayon sa Doctor na nag check sa akin. Kaya ang next advice sa akin ay mag undergo ako ng Orthognathic surgery. Ngunit nalaman ko na mas malaki ang kakailanganing halaga sa operation na iyon dahil hindi pa foundation ang hospital na nag-oopera sa akin.

Kaya’t nagdesisyon muna kaming hindi muna ituloy ang susunod kong operasyon at humingi ng second opinion. Naghanap kami ng ibang posibleng makatulong sa amin at nakilala ko si Doctor Jerardo Caedo ng Makati Medical Center. Na-irefer niya kami kay Dr. Acosta at si Dr. Acosta ang naging dahilan para makilala namin si Dr. Bernard Tansipek ng NCFPI.

Nakilala ko ang NCFPI noong unang assessment sa akin ni Dr. Tansipek. Doon ako nagsimulang mamulat kung ano ang kanilang mga services at hindi lamang pala ako ang may ganitong kondisyon. Dahil ang buong akala ko noon ay nag-iisa lamang ako dahil wala akong nakikitang may kaperahas sa aking kondisyon.

Sobra-sobra ang pasasalamat ko kay God dahil may isang foundation katulad ng NCFPI na makakatulong sa amin. Malaki ang maibabawas sa malaking halagang kakailanganin namin sa susunod na operasyon ko. Sa ngayon ay libre akong nakakatanggap ng check-up mula sa kanila. Malaki ang maitutulong ng NCFPI sa mga pamilya na mayroon anak na katulad ko dahil hindi biro ang laki ng halagang kakailangin para lamang sa pagpapa-opera.

Sa tulong ng NCFPI ay unti-unti ko ng matutupad ang aking pangarap. Ngayon ay naghihintay ako sa schedule ng aking Orthognathic Surgery. At habang naghihintay ay handa akong magbalik ng tulong sa NCFPI bilang pag volunteer sa mga activities na gagawin pa ng foundation.

Para sa mga patient na katulad ko ay lagi ninyong iisipin na “Patience is a virtue”. Dahil sa mga pinagdaanan ko ay hindi nawala ang mga katanungan sa isip ko;

Kakayanin ko pa ba?
Itutuloy ko pa ba?
Hangang kailan ako maghihintay na maging maayos ang lahat?

Hindi biro ang ilalaan mong oras at panahon sa paghihintay sa araw ng iyong surgery at bago mo makita ang pagbabago. Patuloy mo lamang tibayan ang iyong loob dahil totoo na lahat ng aspeto sa iyong buhay ay susubukin.

Sobra ang pasasalamat ko sa aking mga magulang dahil sila ang unang nakikinig sa akin sa aking cleft journey. Hindi man maintindihan ng iba ngunit ang magulang lamang natin ang lubos na makakaunawa satin. Hindi rin dapat natin makalimutang kausapin si God dahil siya ang pinaka-unang tutulong satin at mas alam niya na kaya sa atin binigay ang ganitong kondisyon dahil kakayanin natin.

Mas naunawaan ko na dahil sa kondisyon ko ay lumakas ang aking loob na harapin ang iba pang hamon sa buhay. At patuloy na patibayin ang pananampalataya mo sa Kanya. Huwag tayong magpapatalo sa lungkot at takot. Harapin lamang natin ng buong tapang at lakas. Nandiyan ang ating pamilya, kaibigan at NCFPI na makakatulong sa atin ngunit ikaw ang unang haharap sa mundo at sasabihin sa sarili mo, kayang kaya ko to!

***

Itutuloy namin ang kwento ni Shaina pagkatapos ng kanyang Orthognathic surgery. Makikita ang resulta 6-8 buwan pagkatapos ng surgery.