NCFPI – My Second Family

“Nakilala ko ang maituturing kong pangalawang pamilya — ang NCFPI.” – Brain Padrequilaga (NCFPI Patient and Volunteer)

Taong 2012 nang makilala ko ang NCFPI na tumutulong sa mga katulad ko na may cleft palate. Sa tulong ni Ms. Dulce at ng Tita ko ay nakilala ko ang maituturing kong pangalawang pamilya — ang NCFPI.

Lumaki ako sa Mindanao bilang isang breadwinner ng aming pamilya. Hindi naging madali dahil simula pa lamang noong nag-aaral ako ay iba’t-ibang pagpipintas na ang naranasan ko. Madalas ginagaya nila ang pagsasalita ko. Walang araw na papasok ako sa eskwelahan na uuwi akong hindi umiiyak. Dumating din ang sitwasyon na dahil sa mga panlalait na iyon ay nagawa kong magpakamatay ngunit laking pasalamat ko na nabigyan ako ng pangalawang pagkakataon ng Panginoon at pinaalala sakin na may pamilya akong nagmamahal sa akin.

Kaya’t pagkatapos ko ng Highschool ay nagbakasakali ako sa Maynila. Lumayo ako sa aking pamilya upang mas makatulong sa kanila at matulugan ko rin ang sarili ko. Namasukan ako bilang isang kasambahay.
At dito ko na rin nakilala ang NCFPI.

Laking tuwa ko at may halong kaba dahil may isang foundation na ang makakatulong sa akin. Naoperahan ako ng s/p Palatoplasty ni Dr. Glenda De Villa kaya’t malaki ang aking pasasalamat sa NCFPI. May mga kulang pa akong opera sa ngayon ngunit mas nakita ko na sa edad kong 32 ay may pag-asa pa pala. Ngayon mas may confidence na akong humarap sa ibang tao.

Masaya akong naging volunteer sa mga events ng NCFPI. Nakasalamuha ko ang mga patients at mga Doctor. Marami akong nakilalang bagong kaibigan na katulad ko ding isang patient. Para sa mga magulang at patient ay wag tayong mawalan ng pag-asa sa buhay. Gagamit ng mga tao ang Diyos upang ipaalala sa atin na kahit gaano kahirap ang ating sitwasyon ay hindi pa doon ang wakas.

Sa lahat ng bumubuo ng NCFPI, maraming maraming salamat dahil isa ako sa nabigyan ng bagong pag-asa.